Sunday, April 23, 2017

Tatlong sibilyan panibagong biktima ng masaker ng 3rd Scout Ranger Coy at 2nd IB,PA

JOSE RAPSING COMMAND
Bagong Hukbong Bayan-Masbate 
Pahayag sa Media 
Abril 23, 2017 

Mariing kinokundena ng Jose Rapsing Command - Bagong Hukbong Bayan Masbate ang panibagong insidente ng pagpatay sa isang pamilya sa Brgy. Panan-awan, Cawayan, Masbate noong Abril 20, 2017, bandang alas 7 ng umaga. 

Patay sa masaker ang lolang si Lita Villamor Pepito, 70 anyos, at dalawang apo nitong sina Reden Luna, 9 anyos, at Rechillen Luna, 11 anyos, habang sugatan naman ang asawa nitong si lolo Paoling Pepito, 72 anyos. 

Nangyari ang pagmasaker sa bahay mismo ng pamilya Pepito sa Brgy. Panan-awan, Cawayan, Masbate nang paulanan sila ng mga bala ng pinagsanib na pwersa ng 3rd Scout Ranger Company at 2nd IB,PA sa pamumuno ni Lt. Karlito John Cabillo. 

Bago pa ang pagmasaker ay nagkaroon ng palitan ng putok ang mga militar at mga pulang mandirigma na malayo sa bahay ng mga biktima. Dahil sa pagkapahiya sa tinamong pinsala ng mga militar ay pinagbalingan nito ang pamilya Pepito na dinaanan nila sa pag atras dala-dala ang kanilang mga sugatan at patay na kasamahan. 

Walang katotohanan ang sinasabi ng mga militar na naipit sa labanan ang pamilya Pepito dahil malayo ito sa pinangyarihan ng labanan. 

Ayon sa mga nakasaksi  sa aktwal na pangyayari, sugatan at buhay pa si lola Lita nang lapitan ito at pinagbabaril hanggang sa ito ay mamatay habang ang asawa naman nito ay nakagapang papalayo. 
 
Pinatutunayan lamang ng 2nd IB,PA at 3rd Scout Ranger Company na sila ang tunay na mga kriminal na nagbabalatkayong sundalo dahil ang tunay na sundalo ay sumusunod sa batas ng digma alinsunod sa Protocol 1 and 2 ng Geneva Convention. Sa esensya, ang AFP / PNP ay armadong institusyon ng reaksyonarong gobyerno na binubuo ng mga barbaro, tulisan, kriminal, mandarambong at mamamatay-tao. Sa realidad, hungkag ang panawagang kapayapaan at pagbabago ng rehimeng Duterte habang ang kanyang hukbong pinamumunuan ay hukbo ng mga gangster. 

Nananawagan ang Jose Rapsing Command-BHB Masbate, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito, sa lokal na pamahalaan ng probinsya na tulungan ang mga residente ng Brgy. Panan-awan, Cawayan at Brgy. San Carlos, Milagros, Masbate at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima ng masaker sa dalawang barangay na kagagawan ng 2nd IB, PA at 3rd Scout Ranger Company. 

Isulong ang digmang bayan bilang sagot sa krisis at kagutuman. 

LUZ DEL MAR
Tagapagsurmaton

No comments:

Post a Comment