Sunday, April 9, 2017

Hinggil sa napabalitang Engkwentro ng 2nd IB sa So. Bantolinao, Amutag, Aroroy, Masbate


Pahayag sa Midya
Abril 9, 2017



Kahapon, Abril 8, 2017m ay ibinalita ng tagapagsalita ng 9th ID, Philippine Army na nakabase sa Pili, Camarines Sur ang umano’y labanang naganap sa pagitan ng pinagsanib na 2nd Scout Platoon, 2nd IB,PA at Military Intelligence Company(MICO), at mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan sa Sitio Bantolinao, Brgy. Amutag, Aroroy, Masbate, na nagresulta daw sa pagkakakuha ng isang shotgun at KG9. 

Para sa kaalaman ng lahat, walang naganap na labanan at wala ding nakuhang mga baril sa nasabing lugar. Ito ay gawa-gawa lamang kwento ng mga opisyal ng militar upang pagtakpan ang kanilang totoong layunin sa pagpunta sa lugar. Sadyang kabisado na ng mga tagapagsalita ng 9th ID,PA ang pagbubulid ng kasinungalingan at baku-bakong pahayag para makapanlinlang sa taong-bayan.

Ang totoo nito, noong Byernes, Abril 7, 2017 bandang alas 6:30 ng umaga ay dumating sa Sitio Bantolinao, Brgy. Amutag , Aroroy, ang pinagsanib na yunit ng 2nd IB, PA at MICO. Kinaumagahan ng Abril 8, ay walang puknat na nagpaputok ang mga militar sa dalawang lugar, sa Sitio Bantolinao at sa karatig na isla ng Napayawan na nagresulta sa matinding takot na dinanas ng mga tao. Dito na ibenase ng mga tagapagsalita ng 9th ID,PA ang pekeng engkwentro upang pagtakpan ang kanilang pandarahas sa mga magsasaka at mangingisda.

Pakay ng mga sundalo na palayasin ang mga tao sa lugar upang hawanin at bigyang daan ang pagpasok ng dayuhang gambling financier na si Stanley Ho at business partner nitong dating senador na si Bongbong Marcos. Plano ng dalawa na i-convert ang mga lupang sakahan sa Sitio Bantolinao at isla ng Napayawan sa proyektong eco-turismo at casino kapalit ng pagkawala ng tirahan at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang nakatira sa lugar.

Para sa kaalaman ng mga Masbatenyo at mamamayang Pilipino, ang bayan ng Aroroy at mga kalapit bayan nito ay may matagal nang umiiral na militarisasyon at patuloy na niyuyurakan ang karapatan ng mga tao. Sa bayan din ng Aroroy matatagpuan ang mapaminsalang dayuhang kumpanya sa mina na Filmenera Mining Corporation na nagpalayas sa libo-libong magsasaka at maliliit na minero. 

Nananawagan ang JRC-BHB sa mamamayang Masbatenyo na magkaisa at magtulungan para mapalayas ang salot sa kabuhayan at kalikasan na Filmenera Mining Corp., at mersenaryong 2nd IB,PA na protektor sa pangwawasak ng kalikasan at kabuhayan ng Masbatenyo.

Tanging sa pagtataguyod ng isang digmang bayan mapapawi ang kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi sa masang masbatenyo at Pilipino. 

Isulong ang Digmang Bayan hanggang makamit ang matagalan at makatarungang kapayapaan!

Ka. Luz Del Mar
Taga-pagsurmaton
Jose Rapsing Command
Bagong Hukbong Bayan-Masbate

No comments:

Post a Comment