Tuesday, August 18, 2015

Masaker sa Mactan, Cawayan at Malawakang Paglabag sa Karapatang Pantao: Teroristang Atake ng Berdugong 9th Infantry Battalion, 903d Brigade Philippine Army sa Mamamayang Masbateño

JOSE RAPSING COMMAND
Bagong Hukbong Bayan
Lalawigan ng Masbate
PAHAYAG

Luz Del Mar—Tagapagsalita
Agosto 5, 2015

Masaker sa Mactan, Cawayan at Malawakang Paglabag sa Karapatang Pantao:
Teroristang Atake ng Berdugong 9th Infantry Battalion, 903d Brigade Philippine Army
sa Mamamayang Masbateño

Mariing kinukondena ng Bagong Hukbong Bayan-Jose Rapsing Command ang pagmasaker sa apat na sibilyan sa
Mactan, Cawayan, Masbate noong Agosto 3, 2015. Ang mga biktima ay sina Garry Desnar, Boboy Badillo, Adam
Fajardo at isang nagngangalang Pabito, mga habal-habal driver at lahat taga-Mactan, Cawayan, Masbate. Ang
may kagagawan ng nabanggit na pangmasaker ay ang pinagsanib na tropa ng Bravo Coy, 9th IB, 903rd Bde, PA sa
pamumununo ni 1Lt. Jeffrey Fajardo at ng CIDG Masbate sa pamununo ni Maj. Emmanuel Pederi. Ang
pagmasaker sa apat na sibilyan ay ganting-aksyon ng tropang militar matapos maambus ng BHB–JRC na
nagresulta sa pagkapatay sa isang opisyal at pagkasugat sa apat na militar na sina Sgt. Pedro Omandap, Cpl. Ian
Abonita, Cpl. Rolly Rosalo at isang CIDG Agent na may apelyedong Pablo.

Upang ikubli ang kanilang pagkatalo sa labanan, pinagbalingan ang apat na inosenteng sibilyan na kinuha sa
tsekpoynt at dinala sa cogonan sa tabing highway at brutal na pinagbabaril. Matapos ang pangyayari ay
ipinagyabang at ipinamalita ng militar na nakapatay sila ng apat na NPA na nang ambus sa kanila.
Mariing pinapasubalian ng BHB-JRC ang kasinungalingan ng militar na ang napatay nila ay mga NPA at naganap
sa isang enkwentro. Ang apat ay mga sibilyan at lihitimong habal-habal driver at pinapatunayan ito ng mga
naging pasahero at mismong mga kababaryo nila. Sa katunayan matagal nang tapos ang putukan nang ginawa
nila ang tsekpoynt.

Ang pag-ambus ng BHB-JRC sa papauwing pinagsanib na tropa ng Bravo Coy, 9th IB, PA at CIDG ay pagparusa sa
kanila dahil sa teroristang pag-atake nito sa mamamayan at paglabag sa karapatang pantao. Hinalughog ang mga
kabahayan, hinuli si Vicente Berallo at apo nito, pinagsasampal ang dalawang babae at walang awang binugbog
si Jec-jec Sinadjan. Bago naambus ang nabanggit na tropang militar, galing ito sa isang operasyon na nag-iwan ng
takot at ligalig sa mga mamamayan ng Placer at Cawayan.

Napakahaba na ang listahan ng karahasan laban sa mamamayan, panggugulo sa tahimik na naghahanap-buhay
na mga sibilyan ng mga tropang nasa ilalim ng 9th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Ericson Rosana
na pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Bayanihan sa probinsya ng Masbate. Katunayan, noong Agosto 2,
2015 alas 3:00 ng madaling araw dinukot at brutal na pinatay ang mag-amang Bartolay na sina Ariel Bartolay, 58
anyos, may pamilya, at anak nito na si Allan Bartolay, 28 anyos, may pamilya sa sityo Palopino, Bartolabac, San
Jacinto, Isla ng Ticao, Masbate. Si Ariel Bartolay ay pinaglaruan ng mga berdugo: pinatakbo habang pinagbabaril
at nagtamo ng 36 tama ng bala sa katawan samantalang si Allan ay tatlong tama sa ulo. Ang may kagagawan nito
ay ang Charlie Coy, 9th IB sa pamumuno nina 1Lt. Alfren Flores at 1Lt. Briñas Commanding Officer ng 93rd
Division Reconnaissance Company (DRC) na nagsasagawa ng “Peace and Development Operations” sa ilalim ng
Oplan Bayanihan sa Isla ng Ticao, Masbate.

Maliban pa nito ay ang ginawang pwersahang pagpapalikas ng mga naninirahan sa Sityo Busdac Gamay, Danao,
San Jacinto, Ticao, Masbate—dineklara ito ng militar na “no man’s land” dahil sa PDT-OPB.
Galit na galit na ang mamamayang Masbateño sa berdugong tropang ito, kung kaya’t lalo silang nagpupursige
para tumulong sa mga Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan kaya nagiging matagumpay ang mga
taktikal na opensiba. Nagpapatunay ito na malawak ang suporta ng BHB mula sa mamamayan habang
kinasusuklaman at linalabanan ang Oplan Bayanihan.

Parusahan ang Berdugong 9th IB, 903rd Bde, 93rd DRC, 9th ID Phil. Army!
Labanan at Biguin ang Oplan Bayanihan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
 

No comments:

Post a Comment