Thursday, April 23, 2015

TERORISTANG MGA GAWAIN SA MAMAMAYANG MASBATENO RESPONSABLE ANG 9th IBPA!


TERORISTANG MGA GAWAIN SA MAMAMAYANG MASBATENO RESPONSABLE ANG 9th IBPA!
Nilubid na kasinungalngan ang pahayag ng Philippine National Police-Provincial Command OIC Supt Centino Trilles na kasapi daw ng Jose Rapsing Command-Masbate ang nag-ambus sa tauhan ni Jose Amaro noong Abril 18, 2015 ala-1:00 ng hapon sa Sityo Lumbang, Brgy Usab, Masbate City.
Bago ang nasabing pangyayari pinaulanan ng bala ang bahay ni Jose Amaro isang negosyante sa small gold panning, ilang linggo na ang nakaraan. Sinundan ito ng panloloob at masaker kay Jesus Amaro, 64, anak na si Gilbert Amaro, 36 at kanyang driver-bodyguard si Ricky Amodiel sa loob mismo ng kanilang pamamahay noong Abril 05, 2015.
Matapos ang nasabing pagpatay, inambus naman ang magkapatid na Samson Supleto, Jeremiah Supleto at kanilang driver na si Flor Rapsing na nakasakay sa Black Toyata Hilux ng mga armadong nakasakay din sa puting Hi-Ace Van noong Abril 18, 2015 sa mismong Brgy. Luy-a, Aroroy, Masbate. Pinutol ang ulo ng isa sa biktima na si Flor Rapsing at natagpuan ang ulo nito sa brgy Cabutagan, Lupi, Camarines Sur na nakalagay sa isang ice box ayon sa kumpirmasyon ng pulisya sa nasabing lugar. Sinasabing ang isa sa magkapatid na Supleto ay bayaw mismo ni Jose Amaro kaya hindi makumpirma kung may relasyon sa unang mga insidente ang nangyaring pang-aambus.
Nais inilinaw ng Jose Rapsing Command-New People's Army na walang kinalalaman at di responsable ang rebolusyonaryong kilusan sa nasabing pangyayari. Sa inisyal na imbestigasyon naman ng Jose Rapsing, ang masaker na unang naganap ay pawang may kaugnayan sa kompetisyon sa negosyo sa gold panning at layong iterorisa ang mamamayan sa Masbate. Walang rekord si Jose Amaro at kanyang pamilya laban sa kilusan para patawan ng parusang kamatayan . Higit sa lahat ang pagpataw ng parusang kamatayan ay dumadaan sa proseso ng paglilitis sa hukumang bayan bago ang anumang pag-aatas sa anumang kumand ng Bagong Hukbong Bayan.
Kinokondena ng JRC-NPA, ang karumaldumal na serye ng krimeng nagaganap na naglalayong iterorisa ang mamamayan ng Masbate. Di hiwalay dito ang kaso ng panloloob at pagnanakaw sa bahay ni Ninang Rejano sa sityo Reservoir, Brgy Tuburon, Monreal, Masbate noong Abril 14, 2015. Hindi pa rin nalilimutan ng mga Albayano, Bicolano, Simbahan at mga kaibigan sa ibayong dagat ni Pastor Isaias Sta. Rosa ang kaso ng Executive Judicial Killing ni Lt Col Ericson Rosana na syang bagong Commanding Officer ng 9th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Masbate. Naganap ang krimen sa lugar mismo ng perimetro ng tsekpoinyt ng Batallion Reconnaisance Company ng Philipine Army at malalakas na kalibre ng baril ang ginamit sa krimen kaya mahalagang maimbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga ito.
Val Silang
Tagapagsalita
NDF-Masbate
Abril 23, 2015

No comments:

Post a Comment